Mga katanungang.. may kasagutan kaya?
Minsan, kapag ako ay nag-iisa.. marami akong itinatanong sa sarili ko. May isang chapter na akong nailagay dito kung saan naitanong ko kung bakit may utong ang lalake kung hindi naman nagpapadede..
Nakakalito minsan talaga ang buhay, kung hindi ito nakakalito.. hindi na masarap mamuhay.
Tungkol sa mga katanungan ko, ang iba dito ay kapareho ng mga tanong mo din sa buhay.
Totoo ba ang langit? Kung totoo ang langit, eh di dapat totoo din ang impyerno. Pwede kayang… hindi na lang totoo ang langit? Para hindi na rin totoo ang impyerno? Alam ko naitanong mo na rin yan sa sarili mo. Sa tingin mo ba, mas maganda if hindi totoo ang langit kung ang magiging resulta nito ay mawawala din ang impyerno? Kaya lang, kung walang impyerno, eh di wala nang pipigil sayo na murahin ako o patayin ako o kaya ay gahasain ako! (Payag naman ako magpaalam ka lang) Pero hanggang ngayon, wala naman talagang isang kongkretong ebidensya bukod sa nakasulat sa bibliya na totoo nga ang langit, at impyerno. Pero bakit bawal ang mga masasamang gawain? Kasi nakasulat sa batas.
Para saan ba ang batas? Ito ba ay para ilagay tayo sa tama? Saan ba ito ibinase? Sa bibliya? O sa kabaitan? Sino ba ang nagsabi kung ano ang mabait at hindi o tama at mali? May mga lugar na pwedeng magkaroon ang lalake ng asawa na mahigit sa isa. Sa kanila hindi ito bawal, tanggap ng batas nila. Mayroon bang mga batas na pareho sa LAHAT ng dako ng mundo at tumatawid sa kultura? Meron, isa. Bawal gumawa ng hindi ikatutuwa ng iyong kapwa. Sa tingin ko yan lang ang nagiisang batas na tumatawid sa lahat ng relihiyon, kultura at bansa. Saan yan ibinase? Sa pag-ibig?
What is love? Naknampuhca elementary pa lang ako naririnig ko na ang tanong na yan ah! wag yan! ibang tanong na lang.. yung hindi nakakalito.
And speaking of nalilito, kung nalilito ako, paano ko nalamang nalilito ako? Sigurado ba akong nalilito ako? Kung sigurado na ba akong nalilito ako, nalilito pa ba ako nun? ikaw? nalilito ka na ano? Pati ang paligid natin nakakalito.. maraming tanong. Di mo alam kung saan papasok o lalabas. Parang pinto na laging nakabukas.
Ang pinto ba ng 7-11, bakit me susian? Isinasara ba yun? Diba hindi naman? Maraming branches din ang 7-11 ah! Kung ipunin mo lahat ng ipinambili sa susian na yun eh di sana pambili na yun ng gatas!
Ang gatas nga pala, sino kaya unang nakaisip na pigain ang dulo ng utong ng baka, kalabaw at kambing? Aba! Kung malaman lang natin eh di siya na ang nakatuklas ng gatas ng mga hayup! Aba yayaman ang angkan ng taong yun! Kung ako ang kamag-anak nun at yayaman ako.. mamamasyal na lang ako parati at gawin ko ang matagal nang pangarap na mag Scuba Diving para makita ko ang sagot sa isa ko pang tanong..
Ang Octopus ba ay may walong kamay o walong paa? Ang gagamba oo alam natin na walo ang paa, kasi nakikita natin na ginagamit nya yun sa paglalakad, di naman nakikita nag-gigitara gagamba kaya malamang, paa yun! Eh paano na ang Octopus? Lumalangoy sya eh. Ang labo ano? Ano kaya itsura ng tao kung walo ang paa o kamay? idugtong mo dyan na ginawa daw tayo wangis sa anyo ng Maykapal, eh di.. walo din ang paa o kamay Niya?
Ano kaya itsura ng Maykapal? Yung nasa Catholic Bible ha. Hmmmm.. kanina nagbuklat ako ng konti, nakita ko ang mga sagot.. nakakalat pero meron.Sabi dun, ang langit ang trono, ang lupa ang patungan ng paa (footstool) aba! Eh di me paa siya! sabi din dun, nakakarinig sya ng panalangin, nakakakita ng tama at mali at nakakaamoy ng halimuyak ng mga bulaklak. Eh di may tenga, mata at ilong sya! Sabi din dun sa bible na binasa ko, isinulat daw ng sarili niyang mga daliri ang sampung utos. Eh di may kamay sya! Malabo namang sa ilong nakakabit yung daliring panulat nya! hmmm.. babasa pa ako ng konti.
Ikaw, basahin mo muna ito. Salamat!
pahabol na tanong.. at sagot
Bakit sa Caloocan itinayo ang bantayog ni Bonifacio? Puta kung ihiniga yun eh di trapik!