Ang Alamat ng Manunuba
Sa modernong panahon natin, ang tinatawag na manunuba ay yung hindi nagbabayad ng utang. Saan nanggaling ang salitang ito? Basahin nang malaman:
Matagal nang panahon ang nagdaan, may dalawang manunuba (Tindero ng Tuba) at sila ay sabay na naglalako, pasan ang kanilang tuba sa kawayan. Sa kanilang paglalakad, nakakaramdam sila ng pagod, at pagkauhaw. Sa kanilang isip ay hindi nila maaring inumin ang kanilang sariling tinda nang walang bayad kayat tinitiis na lang nila ang uhaw.
“Kaibigan, maari bang umutang ng isang basong tuba? Hindi kasi maaring ako ay uutang sa sarili kong paninda dahil sa aking paninda ko rin kukunin ang pambayad ko. Babayaran kita kapag nakabenta na ako” ang sabi ng isa. Dahil sa kanilang pagkakaibigan at sa kaalaman ng isa pang manunuba na makakabenta naman ang kanyang kaibigan ay kanya itong pinautang.
Makaraan ang ilang sandali pang paglalakad sa init ng araw..
“Kaibigan, baka naman maaring ako naman ang iyong pautangin ng tuba dahil ako’y nauuhaw na rin? Maari mo itong ibawas sa utang mo sa akin o kaya ay babayaran ko sa oras na ako ay makabenta na ng tuba” ang sabi ng isa pang manunuba. Dahil naman sa kanilang pagsasama, ay daglian ding pinautang ng kanyang kasama ng tuba ang ikalawang manunuba.
Nagpatuloy ito sa maghapon, wala silang nabentang tuba.
Sa pagyakap ng dapit-hapon sa kanayunan, nagsalita ang isa sa dalawang manunuba.
“Kaibigan, maari mo na ba akong bayaran? Ubos na ang aking tuba, at ikaw lang ang uminom nito maghapon at lahat ay utang” ang kanyang sabi.
“Ngunit kaibigan, sabay tayong naglalako at alam mo rin na wala akong benta. At idagdag mo pa na ikaw din naman ang umubos at umutang ng lahat ng paninda kong tuba!” sagot ng isa.
Malungkot na naglakad ang dalawa nang biglang may napulot na isang pera ang isang manunuba!
“Kaibigan! Nakapulot ako ng sampera! (isang pera) at maari na akong magbayad sa unang baso ng tuba na aking inutang!” bulalas niya at kagyat niyang iniabot ang pera sa kanyang kaibigang manunuba.
“Salamat kaibigan. Ngayon ay ako naman ang may pambayad sa unang basong tuba na inutang ko sayo!” at iniabot niya ang sampera sa kapwa tindero ng tuba.
nagpatuloy ito hanggang sa bayad na ang utang nilang dalawa sa isat-isa.. at naiwan sa kanila ay.. isangpera.
No comments yet.